Saturday, May 2, 2009
Ang Prinsipe nang Tubig...
Patapos na ang pasukan at gagraduate na rin ako sa elementarya, at sa pagsapit na muli nang summer ay napansin kong parang bumababaw ang dating malalim na agos nang batis malapit sa aming bahay.
Sinubukan kong tuntunin ang ilang bahagi nang batis at napansin kong dumarami ang mga nakahambalang na patay na puno sa may agusan nang tubig siguro ito ang pumipigil sa pag agos nang tubig na siya namang dahilan kung bakit konti na lang ang dumadaloy paibaba nang bundok.
Naalala ko ang kaibigan kong si Aging ang nagbigay sa akin nang singsing, siya ang nagbabantay sa batis subalit para itong kanyang napabayaan, at dahil nasa akin ang kanyang singsing ay sinubukan kong gamitin ito upang linisin ang kanyang tahanan, ang tubig nang batis.
Hindi ko alam kung papaano, pero nang ikumpas ko ang aking mga daliri ay may mga mumunting tubig ang bigla na lamang tumilamsik palayo mula sa aking kinatatayuan, sinubukan ko itong muli nang dahan dahan at sa pagkumpas nang aking mga kamay ay parang nahahawakan ko ang tubig subalit malayo at wala naman ito sa aking palad. ramdam ko ang pagdaloy nang malamig na tubig sa aking mga kamay, at sa muli kong pagkumpas ay biglang may nabuong kumpol nang tubig at lumutang sa hangin, nagulat ako at napatras at kasabay nang pagkatalisod ko ay ang pagbagsak naman nang nabuong bilog na tubig na ikinabasa nang aking kasuotan.
Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko sa mga sandaling iyon, natatakot akong masaya dahil nakabuo ako nang isang bola nang tubig, subalit inasam kong sana ay nandito ang aking kaibigang si Aging upang gabayan ako sa dapat at tamang paggamit nang kanyang makapangyarihang singsing.
Isa isa kong binuhat ang ilang mga punong nakahambalang sa batis hangang unti unting dumadaloy na muling mabilis ang tubig nito pababa sa bundok.
Umuwi akong basang basa na ikinagalit naman nang aking lola, at kasabay nang isang pingot sa tenga ay ang malambing na pagsermon na sa susunod daw na maliligo ako sa batis ay maghubad ako nang damit upang hindi ako abutin nang sipon at pananakit nang likod kapag natuyo ang tubig sa aking katawan.
Pero sa hindi ko maipaliwanag na dahian ang tubig ay abot hangang sa aking mga damit lamang at habang hinuhubad ko ang aking basang damit ay hindi dumadampi ang tubig sa aking mga balat.
Habang kumakain nang hapunan ay hindi ko matigil maisip ang mga kababalaghang naganap sa mga nagdaang araw, pagkatapos kong maghugas nang pinagkainan ay naglambing ako sa aking lola na magkwento tungkol sa mga engkanto, madami siyang kinuwento hangang dumako siya sa Prinsipe nang Tubig.
Ayon sa aking lola, mahabang panahon na ang lumipas, may isang kaharian sa ilalim nang tubig na pinamumunuan ng mabait na si Haring Akuarin at ang kanyang Reyna Aquina, at ang Prinsipe nang tubig na si Aquilus.
Ayon sa kwento, ang kaharian nang tubig ang pinakamakapangyarihan sa lahat dahil na rin sa magandang pamumuno ni Haring Akuarin at ni Reyna Aquina dahil dito maraming kaharian ang naiingit at gustong lusubin ang kastilyo, subalit dahil ang kaharian ay nasa pinakapusod nang karagatan ay wala sa mga kawal nang ibang kaharian ang nakakarating dito upang makapaminsala.
Ang Prinsipe nang Tubig na si Aquilus ay mapaglaro at palakaibigan at tulad nang ibang bata ay may pagkapilyo pero matulungin sa lahat nang mga nilalang na nangangailangan nang tulong sa tubig man o lupa, at paminsan minsan ang batang prinsipe ay umaahon sa dagat at nagaanyong tao upang makapamasyal at makipagkaibigan sa mga batang katulad niya, at binibigyan nang kapangyarihan ang mga batang maibigan niya na may malinis na puso at may pagmamahal sa kalikasan.
Subalit ang pakikipagkaibigan sa mga mortal ay lubos na ipinagbabawal sa kaharian nang mga engkanto, dahil na rin sa likas na masama ang tao at ang ang pagbibigay nang kapangyarihan sa mga ito ay magdudulot lamang nang gulo sa mundo lalo na kapag ang nabigyan nang kapangyarihan ay ginamit ito sa kasamaan.
"Totoo ba yan lola?" ang bigla kong naitanong sa aking lola na naudlot sa kanyang pagkukwento,
"Apo, ang lahat nang yun ay kwento lamang, at hindi yun mangyayari sa tunay na buhay, gabi na matulog na tayo, bukas ko nalang itutuoy ang kwento", "Pero hindi pa ako inaantok lola", ang sagot ko "Pero ako inaantok na kaya bukas nalang natin ituloy ang kwento nang Prinsipe nanag tubig.
Hindi ako makatulog dahil sa kwento nang aking lola, malaki ang pagkakatulad nito sa nangyayari sa akin, nais ko sanang makita at makausap si aging upang itanong ang kwento nang aking lola, subalit dala na rin marahil nang pagod at matinding pagiisip ay unti unti akong napakikit upang matulog subalit sa aking pagkamangha pagdilat ko muli nang aking mata ay bumulaga sa akin ang mga bituin sa langit, napatayo ako at nagulat dahil wala na ako sa aking silid at nasa tabi nang punong akasya sa tabi nang batis kung saan kami madalas magkita at maglaro ni Aging.
Subalit ang aking pagkamangha ay napalitan nang saya nang makita ko si Aging. Matagal kaming nagusap, marami akong itinanong, hangang madako kami sa singsing, ang sabi niya ang singsing ay nagtataglay nang kapangyarihan upang utusan ang tubig, isipin ko lang daw kung ano ang gusto kong gawin nang tubig, isapuso at ikumpas ang aking kamay at ito ay masusunod. Hiningi rin niya na sana ay huwag na huwag ko daw gagamitin sa masama ang kanyang pabuya sa aking pagmamalasakit sa kalikasan at gamitin ang kapangyarihan ito upang protektahan ang yamang kalikasan na siyang nagbibigay buhay sa lahat nang nilalang sa mundo.
Parang napakadali, pero alam kong ito ay mahirap, at sa pagtilaok nang ligaw na tandang sa gubat ay ang pamamaalam nito at sabing babalk siyang muli upang muli kaming makapagusap, at s muli kong pagkurap ay nasa loob na ulit ako nang aking silid, subalit ang aking patulog ay nabasa mula sa tubig sa batis, at alam ko, ang pagkikita at paguusap namin ni Aging ay hindi lamang isang panaginip.
"Lola ano kaya kung magkatotoo ang kwento mo?" ang tanong ko sa aking lola habang kumakain kami nang agahan, "Apo, kung magkatotoo e di maganda, subalit alalahanin mo ang pagtangap sa kapangyarihan ay isang malaking responsibilidad, hindi ito isang laruan, hindi ito dapat na ginagamit sa kasamaan kundi ito sana ay maging instrumento nang kabutihan upang mapaunlad at mapaganda pa ang kalikasan." namangha ako dahil ito rin ang sinabi nang aking kaibigang si Aging. Alam kaya nang lola na akoy may natangap na kapangyarihan mula sa prinsipe nang tubig tulad nang kanyang kwento?
Wednesday, April 22, 2009
Ang Pilyong Dwende.

Gusto ko sana siyang maging kaibigan subalit hindi na ito muling nagpakita pa pagkatapos nang nagyari sa balon at hindi na rin naulit pa ang mga kapilyuhang sinasabi ni lola na ako ang may gawa.

Tuesday, April 21, 2009
Ang Singsing ni Aging

Medyo naging matamlay ako sa mga nagdaang araw dahil na rin sa paghihiwalay namin nang landas nang aking kaibigang si Aging, tanging ang singsing na iniwan niya sa akin ang tanging kinakausap ko sa tuwing naalala ko siya at sa di ko mawaring kadahilanan kumikislap kislap ito na tila ay kinakausap rin ako.
Natutuwa akong isipin na marahil ay iniisip rin ako ni Aging kayat kumikislap ang kanyang singsing sa tuwing naalala ko siya at kinakausap ko ito. Pero simula nang ibinigay ito sa akin ni Aging ay parang maraming nabago sa akin, parang mas naging mas matalas ang aking pandinig na kahit mga konting kaluskos ay dinig na dinig ko at kahit na sa kadiliman nang gabi ay nakakakita ako, kung minsan hindi ko na kilangan ang liwanag nang lampara dahil parang may mapusyaw na liwanag na gumagbay sa akin sa twing mapupunta ako sa madilim na bahagi nang aming munting kubo, at higit sa lahat ay naging mas malakas ako sa karaniwang kabataang kaedad ko.
Hindi ko pinahalata ang mga pagbabagong ito kay lolo at lola pero dala nang kabataan ay tuwang tuwa ako sa mga pagbabagong nagaganap sa tulong nang singsing ni Aging. Tuwang tuwa naman ang aking lola dahil nakakatulong na ako sa pagbubuhat kapag nangunguha siya nang mga tuyong sanga sa gubat upang gawing mga pangatong na ginagamit niya sa kanyang pagluluto, iyon nga lang tinatanong niya ako minsan kung hindi raw ba ako nabibigatan sa dami nang mga dala kong tuyong kahoy. Alam kong nagtataka siya kung minsan pero di ko pa rin ipinagtapat ito sa kanya at nanatiling lihim ang singsing na bigay nang kaibigan kong si Aging.
Subalit sa bawat araw na pagsama ko sa kanya sa kagubatan ay dinig na dinig ko ang mga munting yabag at mga kaluskos at mga munting tinig na tila ba mga naguusap, at kung minsan naman ay mga nagtatawanan. Natatakot ako minsan subalit hindi ko ito masabi sa aking lola dahil ayaw kong pati siya ay matakot. Kung minsan ay ipinipikit ko na lamang ang aking mga mata upang hindi ko makita ang pinangagalingan nang mga munting tinig na iyon.
Hindi ko pa rin labis na maintindihan ang mga nangyayari sa akin at sa aking paligid, minsan ay naisip kong tangalin nalang ang singsing pero kapag naiisip kong bigay ito nang aking kaibigan ay pilit na nangingibabaw parin ang aming pagkakaibigan.
Simple lang kung titignan ang singsing, parang walang halaga at hindi pagiinteresan nang mga magnanakaw, pero alam ko marami pang lihim ang singsing ni Aging at dapat ko itong tuklasin, alam ko rin na ang mga matutuklasan ko ay magpapabago sa aking buhay, subalit ano pa man ang mangyari ipinagkaloob ito sa akin nang aking kaibigan at dapat ko ring pangalagaan ang kanyang pagtitiwala.
Monday, April 20, 2009
Unang Pagkamulat
(photo from the internet)
Nakatira kami sa liblib na pook sa bandang norte, malapit ang aming munting kubo sa paanan nang isang bundok at mula naman sa silangan ay napapaligiran kami nang isang batis na ayon sa aking lolo at lola ay mula pa sa puso nang gubat. Walang humpay ang pagagos nang batis na ito kahit pa sa pinakamainit na araw nang tagtuyot, ang sabi nang aking lolo ito ay dahil ang mga engkantado raw ay patuloy na pinagyayaman ito kung kayat kahit minsan ang tubig nito ay hindi nahinto sa pagagos sa tabing batis ako laging naglalaro at naliligo, malalayo ang aming mga kapitbahay kayat wala akong makalarong ibang bata.
Akala ko noon ang mga kwentong engkanto ay para lamang takutin ako sa pagmamasyal nang malayo sa aming bahay at upang huwag pumasok sa masusukal na bahagi nang kagubatan, subalit nagbago ang lahat nang ito nang makilala ko si "Aging" isang batang halos kasing edad ko rin mga walang taong gulang siguro ako nang mga panahong iyon. Mas matangkad siya sa akin, kulay ginto ang kanyang buhok at parang kulay bughaw ang kanyang mga mata. Nakilala ko siya nang minsang namamasyal ako sa batis habang nanghuhuli nang isda na pwedeng iluto ni lola para sa aming hapunan.
Bigla nalang siyang nagsalita sa aking likuran nang akmang huhulihin ko ang isang maliit na isda na payapang lumalangoy sa mababaw na bahagi nang batis. "Huwag mo munang hulihin yan, bata pa yan at maliit", napalundag ako at napasubsob sa tubig sa gulat at takot pero nang tumawa siya nang malakas dahil sa aking pagkakasubob ay tuluyang naglaho ang aking takot at nakitawa na rin ako sa kanya.
Naging magkaibigan kami ni Aging at lagi kaming nagkikita sa tabing batis upang maglaro sa bandang hapon, tinuruan niya akong mangisda at tuwang tuwa naman ang ako dahil puro malalaking isda ang nahuhuli nang pamingwit ko, tuwang tuwa din ang lola ko dahil marami siyang naluluto para sa aming hapag kainan, hindi ko nabangit si aging sa kanila dahil ako din ay nagtataka kung saan siya nakatira at baka pagalitan ako ni lola na kaikipagkaibigan ako sa hindi nila kakilala. Wala halos kaming kapitbahay at kung tinatanong ko naman kung saan ang kanilang bahay ay itinuturo nya ang kakahuyan at sinasabing dyan lang.
Hindi na ako nagtanong pa at hinayan ko nalang iyon, dahil siguro bata pa lang ako at di ko pa lubos na nauunawaan ang lahat, pero kapag niyayaya ko siyang pumasyal at maglaro sa bahay ay lagi siyang tumatangi at parang ayaw niyang lumayo sa tabi nang batis.
Medyo matagal tagal rin kaming naging magkaibigan ni aging at laging sa may batis lang kami nagiikot, at naglalaro hangang sa nagsimula na akong magaral at padalang na nag padalang ang aming pagkikita pero may mga pagkakataong parang nakikita ko siyang nakaupo sa tabi nang aking kama kapag gabi at maliwanang ang buwan. Pero iniisip kong nananaginip lamang ako at ipinagwalang bahala na lamang ito.
Hangang isang gabi nagising nalang akong nasa tabi ko nga siya, nakangiti at ang sabi magpapaalam na daw siya sa akin. pinagbawalan na daw siya nang kanyang mga magulang kayat iyun na daw ang huli naming pagkikita pero gusto daw niya akong bigyan nang isang alaala nang aming pagkakaibigan at nais daw niyang muli kaming magkita bukas nang hapon sa tabing batis.
Nagdahilan akong masama ang aking pakiramdam kayat hindi ako pinapasok nina lolo at lola sa paaralan, kinahapunan dali dali akong nagpaalam at sabing pupunta muna akong batis kahit na mahigpit na tinutulan ito nang aking lola.
Nadatnan ko siyang nakaupo sa may tabing batis na malungkot at parang may malalim na iniisip, gugulatin ko sana siya mula sa likuran nang bigla siyang lumingon at ako ang kanyang ginulat tawanan kami nang tawanan hangang napagod kami, masayang masaya kami subalit makikita mo mula sa kanyang mga mata ang kalungkutan, kayat tinanong ko siya kung bakit hindi na kami pwedeng magkita.
Ang sabi niya ipinagbabawal daw sa kanila ang makipagkaibigan sa tao, nagulat talaga ako sa sagot niya tumawa lang ako at pabiro ko siyang tinanong "Bakit hindi ba kayo tao?", nagulat talaga ako sa sumunod niyang ginawa, bigla siyang tumayo at lumakad sa ibabaw nang tubig.
Hindi ko alam ang aking gagawin, magkahalong takot, kaba at pagkamangha ang bumalot sa akin, inaabot niya ang kanyang kamay at sa aming pagkakahawak kamay bigla siyang naging parang tubig at bigla rin kaming lumubog sa kilaliman nang batis, ang pagkakaalam ko mababaw lang ang tubig subalit sa aking pagkamangha lumubog kami sa kailaliman hangang ang batis ay parang naging isang malaking ilog at mula sa kailaliman ay tanaw ang isang parang kastilyo na kumikinang ilalim nang tubig.
Ang akala ko malulunod na ako sa sandaling iyon subalit nang ibinuga ko ang natitirang hangin sa aking lalamunan at huminga akala ko ay mapupuno nang tubig ang aking bibig subalit laking gulat ko nang imbes na tubig ay malamig na hangin ang pumuno sa aking katawan, nakakahinga ako sa ilalim nang tubig.
"Isa akong Engkantadong tubig" ang sabi ni Aging, "kami ang nangangalaga sa tubig na dumadaloy sa kabundukan, natuwa ako sa ipinakita mong pagmamalasakit at pagmamahal sa kalikasan kayat nakipagkaibigan ako sa iyo, subalit mahigpit na ipinagbabawal sa amin ang makipagkaibigan sa katulad nyong tao at bago tayo maghiwalay nais ko sanang ipakita sa iyo ang aming kaharian, subalit hindi tayo pwedeng magtagal at baka may makakita sa atin", inikot nya ako sa kanilang kaharian at wala akong mapagsidlan nang tuwa at kagalakan sa aking bagong karanasan.
Matagal kaming nagpaikot ikot sa ilalim nang tubig, nakipaglaro kami sa mga isda, nagtaguan sa mga malalagong halamang dagat hangang kami ay mapagod at naisip kong baka nga hinahanap na ako nina lola.
Halos magdadapit hapon na noong umahon kami mula sa ilalim nang batis, pero bago kami tuluyang nagkahiwalay binigyan niya ako nang isang singsing, "mahiwaga ang singsing na yan at sana ay pangalagaan mo ito at gamitin para sa ikabubuti nang lahat" ito ang huling habilin nito, Nagpasalamat ako sa napakagandang regalo at sa kakaibang karanasan ko sa ilalim nang tubig nang batis at kasabay nang pagagos nang luha mula sa mga mata ko ay ang unti unti nyang paglaho sa tubig at alam ko iyon na ang huli naming pagkikita.
Halos patakbo akong umuwi sa bahay at halos patakip silim na nang dumating ako sa bahay at nadatnan ko ang lola ko na panay ang iyak at halos patakbong lumapit at yumakap sa akin nang mahigpit napagalaman ko na lamang na halos dalawang araw na pala akong hindi nakakauwi at alalang alala na sila sa akin.
Hindi ko maipaliwanag na halos wala pang tatlong oras akong umalis, pero hindi ko rin masabing nangaling ako sa ilalim nang tubig sa kaharian nila Aging, hangang ngayon ay suot suot ko pa rin ang singsing na bigay nang aking kaibigan na sa pagdaan nang panahon ay napagtanto kong may kakaibang kapangyarihan na hindi ko maipaliwanag.
Ang Panimula




